Thursday, August 20, 2015

Dahil sa Call Center

Apparently there's a post of Facebook that has gone viral. This is about a young man named Erickson Ignacio Marcos, who was immensely insulted when he was offered a data analyst job in a call center company. He claims that his level of education (5-year bachelor degree) is too good for a call center job; and that the offer is an insult to his education and profession.




When I first read the post, I was so furious I had tears in my eyes. You see, I have been working in the call center for years and I have tons of friends who also have been in the industry for as long as I have, and some even longer. But instead of swearing at him and hunting him down and skinning him alive, (which I still want to do) I've decided to write him a letter. At dahil buwan ng wika, pahintulutan nyo akong magsulat sa Filipino.

Dear Mr. Marcos,

My name is Elliane L. Varias-Tan. I am a registered nurse, and a bronze medalist from Far Eastern University Institute of Nursing. I also have been working in the call center for years.

Maitanong ko lang. Anong masama sa pagta-trabaho sa call center? Mababang uri ba ito ng trabaho?

Dahil hindi ko alam ang istorya mo, hayaan mong ipakilala ko sa iyo ang sarili ko.

Nagumpisa akong bilang call center agent nung July 24, 2006, anim na araw matapos kong malaman na pumasa ako sa board exam. Bakit call center? Dahil galing ako sa batch 2006, may issue noon tungkol sa leakage at walang ospital na gustong tumanggap sa akin. Dahil gusto kong makatulong sa Mama at Daddy ko, nag-apply ako sa call center. Natanggap din ako ng araw na iyon at nagtrain ako kung pano kumausap sa mga Amerikano, nag saulo ako ng mga codes, laws, policies, spiels, produkto, at kung ano ano pa. Nag ensayo kung pano gumamit ng Avaya phone, magtransfer ng call, mag hold, at sumalag ng lahat ng klase ng mura at panlalait. Dahil Amerikano ang mga customers ko, kailangang sa gabi ako magtrabaho. Naranasan mo na bang magtrabaho buong gabi, Mr. Marcos? Yung pakiramdam na antok na antok ka na, hilong hilo ka na sa antok, pero kailangan mo pa ring sumagot ng tawag ng mga customers na walang ginawa kundi magtanong, mag utos, awayin at murahin ka tungkol sa kanilang account? Buong gabi wala akong ginawa kundi kumausap at tumulong sa mga taong nagbibigay ng negosyo sa kumpanyang pinapasukan ko. Lahat ng kamag anak at kaibigan ko, himbing na himbing sa pagtulog, pero ako nag sasaulo pa rin, kausap ang QA, TL, managers, at kung sino sino pa. Ginawa ko yon ng mahigit na isang taon, Mr. Marcos.

Simula 2008 hanggang kasalukuyan, unti unti na akong napromote; mula English Skills Trainer, naging Voice and Accent Trainer, Senior Trainer, at Assistant Training Manager. Natutunan ko kung paano mag turo sa mga ahente, supervisors, quality analysts, manager, senior manager, at associate vice presidents. At dahil nasa iba't ibang lugar ang mga accounts ng kumpanya, nagturo ako sa iba't ibang lugar sa iba't ibang shift. Mr. Marcos, naranasan mo na bang mag trabaho sa iba't ibang oras? Lunes at Martes umaga ang shift mo sa Makati, tapos Miyerkules hanggang Byernes sa gabi naman ang trabaho mo sa Ortigas o Mandaluyong? Naranasan mo na bang sumakay ng jeep, bus, at tricycle, taxi, Uber, at eroplano araw araw papuntang Makati, Mandaluyong, Ortigas, Quezon City, Marikina, Taguig, Pasay, Nueva Ecija, at Cebu? Naranasan mo na bang makatulog sa loob ng bus, at pagkagising mo, sa sobrang disoriented mo, hindi mo na alam kung papasok ka pa lang o pauwi ka na? Naranasan ko yon, Mr. Marcos. At hanggang ngayon nararanasan ko pa din yon.

Mahirap ang napili kong trabaho, Mr. Marcos. Napakahirap. 

Pero...

Dahil sa propesyong ito, lumawak ang aking kaalaman at karanasan mula sa pagkakakilala sa mga atleta, doktor, MD at PhD, nars, engineer, artists, wrestler, arkitekto, inhinyero, dentista, pharmacist, aktor, yoga instructors, guro, abugado, mga may master's degree, mga COO, may ari ng kani-kanilang negosyo, mga hindi nakatapos ngunit mga nasa matataas ng posisyon sa kanilang mga kumpanya. 

Dahil sa call center na ito, maraming akong nakilalang ina, ama, anak, kapatid, pinsan, kaaway at kaibigan. 

Dahil sa call center na ito, nakilala ko ang asawa ko.




Dahil sa call center na ito, nakaipon ako ng pera at nakasakay ng eroplano para makapunta sa Albay at Cebu at nakilala ang iba't ibang tao. Mga lugar na dati'y nakikita ko lamang sa pahina ng aklat ko sa eskwela. 




Nang dahil sa propesyong ito nakapagturo ako sa iba't ibang unibersidad at lugar sa Luzon tulad ng UP, Ateneo, De La Salle Lipa, Asia Pacific College, Philippine National Police, at iba pa.

Nang dahil sa call center na ito, nakabili ako ng bahay para sa magulang ko. Isang 3-bedroom bungalow na nakatayo sa isang 440sqm na lote sa Batangas; isang lugar kung saan makikita mo ang Taal Lake pati na ang mga ilaw ng Tagaytay pag dating ng gabi. Isang lugar kung saan makakalanghap ka ng malinis ang hangin at makakarinig ng mga huni ng iba't ibang ibon.






Nang dahil sa call center na ito, nakakabili ako ng mga furniture, appliance, damit, gadget, at kahit ano pang gustuhin ko, ng asawa, at ng magulang ko.




Nang dahil sa call center na ito, nabuhay ko ang pamilya ko, natulungan ko ang magulang ko na pag-aralin si Kuya ng Nursing, natulungan kong pag-aralin ang pamangkin ko, at nakatulong ako makapunta at makapagtrabaho si Ate sa Dubai.




Nang dahil sa call center na ito naibibili ko ng kahit anong naisin nila ang magulang ko; napagbakasyon ko sila sa Baguio ng isang linggo, naibibili ko ng designer bags ang Mama ko, at mga relo ang Daddy ko. Dahil sa trabahong ito, naipapasyal ko ang magulang ko at naidadala kung saan nila gusto, at nakakabili ng maintenance na gamot nila.





At tandaan mo, ito ay aking kwento lamang. Alam mo bang mahigit isang milyon na ang nagta-trabaho sa call center?

Ngayon, matanong nga ulit kita. Anong masama sa pagta-trabaho sa call center? Mababang uri ba ito ng trabaho?


___________________________________

Hit me up!